Thursday, October 29, 2026

Obligadong paglalagay ng CCTV at pagkakaroon ng security plan sa mga paaralan, isinulong sa Kamara

Isinulong ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative PM Vargas na obligahin ang mga pampubiko at pribadong paaralan sa buong bansa na maglagay ng closed-circuit television (CCTV) systems at magkaroon ng komprehensibong security plans.

Nakasaad ito sa inihain ni Vargas na House Bill No. 11575, o panukalang “Campus Security Act” na layuning mapigilan ang mga karahasan, bullying at banta sa seguridad ng mga eskwelahan.

Tugon ang panukala ni Vargas sa report ng Department of Education (DepEd) na kulang-kulang sa kalahati ng mga public schools ang mayroon lang gumaganang CCTVs at mga segurity guards.

Tinukoy din ni Vargas ang findings ng 2024 Philippines Global School-based Student Health Survey na 35.3 percent ng mga estudyanteng edad 13 hanggang 17 ang naranasan ng makipag-away o masaktan sa paaralan habang 30.2 percent naman ang nabiktima ng bullying.

Giit ni Vargas, malaking bahagi ng oras ng ating mga anak ang ginugugol sa paaralan, malayo sa proteksyon at paggabay nating mga magulang kaya dapat matiyak na ligtas sila para makatutok ng mahusay sa kanilang edukasyon.

Grace Mariano, RMN Manila

Facebook Comments