
Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga pinaghihinalaang ilegal na recruitment scheme na tumatarget sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan nito ang mga kinauukulang yunit ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno upang makabuo ng pinakamahusay na hakbang sa interbensyon upang protektahan ang mga Pilipino mula sa mga mapanganib na alok ng trabaho.
Aniya, wala dapat na Pilipinong nahihikayat sa lugar ng labanan o conflict zone sa pamamagitan ng maling pangakong trabaho.
Ang hakbang na ito ng PNP ay kasunod ng pagharang sa tatlong Pilipinong may edad 21, 51, at 50 mula sa paglabas ng bansa.
Noong una, sinabi ng tatlo na sila ay patungong Thailand upang lumahok o mag-coach ng isang Muay Thai tournament ngunit kalaunan ay ibinunyag ang kanilang balak na trabaho, kung saan umano’y pinangakuan sila ng buwanang suweldo na P200,000.
Dalawang dayuhang recruiter umano ang nag-alok na sagutin ang kanilang mga gastusin at aayusin ang kanilang mga European electronic visa habang sila ay nasa Thailand.
Ayon pa sa ulat ang grupo ay unang inutusan noong Oktubre 13 na gumamit ng isang umano’y “backdoor” na ruta sa Zamboanga bago lumipat ang plano sa pagsakay na lamang sa eroplano.
Kaugnay nito. ipinadala naman ang mga nasabing indibidwal sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa karagdagang imbestigasyon.










