Halos wala na umanong kita ang mga manlalako ng sibuyas sa Urdaneta City Bagsakan Market matapos bumagsak ang presyo nito dahil sa oversupply dulot ng sabay-sabay na anihan mula Marso hanggang Abril.
Ayon sa mga vendor, sa kabila ng dami ng suplay mula sa ilang magsasaka sa Nueva Ecija, hindi umano ito nasabayan ng demand bunsod ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Aminado ang 20 taon nang negosyante na si Aling Maria Teresa Dela Cruz mula Nueva Ecija, na napipilitan na lamang silang hindi magtaas ng presyo para sa mga mamimili ngunit nauuwi umano ito sa halos kawalan ng tubo.
Mula sa dating ₱30 na kita kada bundle, bumagsak ito sa humigit-kumulang ₱15 na hindi na sapat para sa operasyon at puhunan.
Sa merkado, nasa ₱340 hanggang ₱400 ang kada 10 kilo ng sibuyas depende sa uri, habang ang de-uno ay nasa ₱450.
Sa kabila ng mas murang presyo, nananatiling mahina ang bentahan ng mga manlalako dahil sa dami ng suplay at mahal na gastusin.
Umaasa naman ang mga manlalako ng sibuyas na unti-unti nang bubuti ang bentahan kasunod ng epekto ng krisis sa mga pangunahing bilihin. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










