Saturday, May 9, 2026

SSS at GSIS, hinikayat na palawakin ang loan o pautang para sa mga miyembrong gustong kumuha ng electric vehicles

Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang Social Security System (SSS) at ang Government Service Insurance System (GSIS) na palawakin pa ang loan o pautang sa mga myembro nito para makabili ng electric vehicles (EVs) sa gitna ng mataas na presyo ng krudo.

Naniniwala si Gatchalian na ang naturang hakbang na ito ay tiyak na magpapabilis sa transition o paglipat ng bansa sa paggamit ng mga EVs na makakatulong para mabawasan ang pagiging dependent ng bansa sa paggamit ng imported fuel.

Puna ng senador, marami sana ang nagnanais na makabili ng EV subalit nahahadlangan ito dahil sa mataas na presyo ng mga electric vehicles.

Kung magkakaroon aniya ng loan facility para sa pagbili ng EV ay mas matutulungan nito ang ating mga kababayan na ngayon ay nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.

Ang matitipid din ng mga kababayan sa gasolina at diesel ay maaaring ipandagdag sa pagbabayad ng loan sa EV.

Dagdag pa ng mambabatas, ang mas malawak na pagtatayo ng mga kinakailangang imprastraktura tulad ng mga charging stations ay makakahikayat sa mga organisasyon at mga consumers na tuluyang lumipat na sa paggamit ng EV.

Facebook Comments