
Huli ang apat na indibidwal matapos masakote sa aktong paglalaro ng pusoy sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng Pozorrubio Police Station sa Pozorrubio, Pangasinan noong Mayo 11, 2026.
Kinilala ang mga suspek na pawang mga residente ng Pozorrubio, na binubuo ng tatlong lalaki at isang babaeng may edad 31 hanggang 42-anyos, kabilang ang isang 42-anyos na construction worker, 35-anyos na construction worker, 31-anyos na babae at isang lalaking nasa hustong gulang.
Ayon sa pulisya, naaktuhan umano ang mga suspek na naglalaro ng pusoy na may pustahan, dahilan upang agad silang hulihin ng mga operatiba.
Nakumpiska sa lugar ang isang deck ng baraha at bet money na aabot sa P2,100 sa iba’t ibang denominasyon.
Dinala ang mga suspek sa Pozorrubio Municipal Police Station kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa tamang disposisyon at kaukulang kaso sa paglabag sa PD 1602 (illegal gambling law). |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








