
Limang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa ng Dagupan City Police Office (DCPO) noong Hunyo 5.
Ayon sa DCPO, ang mga operasyon ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA RO1) bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lungsod.
Sa unang operasyon sa Barangay Salapingao, naaresto ang isang 47 anyos na sapatero. Nakuha mula sa suspek ang tinatayang isang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800, kasama ang ilang drug paraphernalia at buy-bust money.
Samantala, sa ikalawang operasyon na itinuring na pinakamalaking huli, nadakip sa Barangay Bonuan Binloc ang isang 49 anyos na tricycle driver na residente ng Lingayen, Pangasinan. Nasamsam mula sa kaniya ang humigit-kumulang 31 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P210,800. Narekober din ang iba pang personal na gamit, isang motorsiklo, at ang marked money.
Sa ikatlong operasyon naman sa Barangay Mayombo, tatlo pang suspek ang naaresto, kabilang ang dalawang residente ng Barangay David at isang residente ng Barangay Nilombot, pawang mula sa Mangaldan, Pangasinan. Nakumpiska mula sa kanila ang tinatayang 10.5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P71,400, gayundin ang ilang personal na kagamitan, isang motorsiklo na may sidecar, at buy-bust money.
Sa kabuuan, umabot sa tinatayang P289,000 ang halaga ng mga nakumpiskang hinihinalang shabu sa tatlong magkakahiwalay na operasyon.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na gumamit ang mga operatiba ng body-worn cameras at alternative recording devices bilang bahagi ng transparency sa operasyon.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng DCPO habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5 o Sale of Dangerous Drugs ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










