Friday, July 10, 2026

Pag-angkin ng China sa Batanes, walang batayan —NHCP

Iginiit ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na walang batayan ang umano’y pahayag ng ilang Chinese scholars na dapat bahagi ng China ang Batanes.

Sinabi kasi ng ilang kalahok sa academic symposium sa Jinan University noong June 30 na ang Batanes ay natural extension ng Taiwan at dapat umanong mapasailalim sa soberanya ng China.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ng NHCP na walang sapat na batayan ang mga ito sa kasaysayan, pananaliksik, at international law.

Ipinapakita anila ng kasalukuyang satellite at oceanographic data na ang continental shelf ay tuloy-tuloy mula sa Northern Luzon, Babuyan Islands, at Batanes hanggang sa bahagi ng Taiwan kaya walang batayan ang sinasabing natural na pag-aari ng China sa Batanes.

Binigyang-diin din ng NHCP na walang ebidensya na ang Batanes ay nasa hurisdiksyon ng Taiwan noong panahon ng Ming at Qing dynasties.

Sa halip, sinabi ng komisyon na matagal nang naninirahan sa mga isla ang mga Ivatan at may malinaw na kasaysayan ng sariling pamumuhay at pakikipagkalakalan sa iba pang mga bansa.

Ipinaalala rin ng komisyon ang mga kasaysayan gaya ng pormal na pagsama ng Spanish government sa Batanes sa lalawigan ng Cagayan noong 1783 at ang pagkilala dito bilang bahagi ng Pilipinas kung saan nagkaroon pa ng kinatawan ang probinsya sa Malolos Congress at sa mga sumunod na national legislature.

Pinabulaanan din ng NHCP ang pahayag na dapat ibinalik ng Japan sa China ang Batanes matapos ang World War II.

Nakikiisa naman ang NHCP sa mga residente ng Batanes kasabay ng muling paggiit na ang lalawigan ay bahagi ng soberanya ng Pilipinas at mananatiling tapat sa Saligang Batas at sa watawat ng bansa.

Facebook Comments