
Tiniyak ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mas hihigpitan nila ang mga pagbisita kay Senator Rodante Marcoleta na kasalukuyang ngayong nasa Philippine National Police (PNP) General Hospital dahil sa kanyang mga kondisyon kagaya ng mild pneumonia.
Nabatid na nasita ng Sandiganbayan ang CIDG dahil sa pagpayag nila sa pagdalaw ni Vice President Sara Duterte at Senador Robin Padilla sa nasabing senador.
Ayon kay CIDG NCR PCol. John Guiagui na personal request ni Marcoleta ang pagbisita ni Duterte at Padilla.
Aniya, sa dami ng mga humihiling na makita ang senador, dalawa ang pinayagan ni CIDG Director Robert Morico II na siyang nag-appruba ng nasabing mga request.
Nilinaw ni Guiagui na ang ibig sabihin ng lilimitahan ang mga pagbisita ay ang immediate family, legal team at mga request na inaprubahan ang pwede lamang makadalaw kay Marcoleta.
Hindi naman masabi ni Guiagui kung kailan makakalabas ng ospital ang nasabing senador dahil nakadepende naman ito sa medical clearance na magmumula sa mga doktor ng PNP-GH .










