
May impormasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung saan patungo ang sasakyan ni Senator Robin Padilla na umalis kasunod ng shooting incident noong nakaraang linggo.
Nabatid na ang nasabing sasakyan na nakarehistro kay Padilla ay naglabas kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ,na wanted ngayon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drug ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay CIDG Director Major General Robert Alexander Morico II, alam nila kung saan patungo ang nasabing sasakyan ngunit hindi muna sila makakapagbigay ng iba pang impormasyon ukol dito.
Samantala, dumistansya rin si Morico nang tanungin kung lumalabas ba sa imbestigasyon na sinamantala ang nangyaring komosyon sa Senado para makatakas sa protective custody si Sen. Bato.










