Friday, May 15, 2026

Naganap na kaguluhan sa Senado, isinisi ng ilang grupo sa ginawang pagkanlong ng Senado kay Sen. Bato

COURTESY: Israelito Torreon/Facebook

Naniniwala ang iba’t ibang civic groups na hindi aksidente ang nangyaring kaguluhan sa Senado, dahil matagal nang mainit ang sitwasyon bunsod ito ng pagkakanlong umano ng Senado kay Senator Ronald dela Rosa para umano makaiwas sa pananagutan.

Ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, chairman emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) mali na ibaling ang sisi sa Malacañang kung saan una ng itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang anumang partisipasyon ng gobyerno.

Nag-ugat umano ang krisis sa kasalukuyang liderato ng Senado sa ilalim ni Senator Alan Peter Cayetano at ng kaniyang mga kaalyado.

Sinabi ni Goitia na hindi dapat gawing proteksyon ang Senado para sa isang taong umiiwas sa batas lalo na’t nakatakas pa ito.

Kinuwestiyon din niya ang pagtatangka na kontrolin ang naratibo upang palabasing ang gobyerno ang may kasalanan, habang may ilang politiko ang gustong magmukhang biktima.

Dagdag pa ni Goitia, hindi dapat balewalain ang paggamit ng sitwasyon bilang propaganda upang makalikha ng simpatiya at mabigyang-katwiran ang ginawang pagprotekta kay Dela Rosa sa Senado na palihim na nakalabas.

Samantala, kinilala naman ng ABKD ang mga matatapang na journalist na nagbigay ng mga ulat kahit magulo at tensyonado ang naging sitwasyon sa Senado upang maihatid ang malinaw na katotohanan.

Facebook Comments