Pagbabawal sa paglalayag sa Aparri dahil sa Balikatan Exercises, inalmahan ng mga mangingisda

Ikinabahala ng ilang grupo ng mangingisda ang ipinatupad na “no-sail zone” sa ilang bahagi ng Cagayan.

Ito ay dahil sa nagpapatuloy na Balikatan Exercises sa pagitan ng mga sundalo ng Pilipinas at Estados Unidos.

Batay sa abiso ng Coast Guard Station Cagayan, pansamantalang pagbabawalan ang pangingisda sa katubigang sakop ng Aparri mula May 4 at 5 dahil sa isasagawang counter landing live fire exercises.

Pero ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o Pamalakaya, maaapektuhan nito ang ilang araw na kikitain ng mga mangingisdang dito lamang kumukuha ng ikinabubuhay.

Hindi anila makatwiran ito lalo na’t wala rin naman daw kasing ibibigay na kompensasyon sa mga mangingisdang maaapektuhan para lang magbigay-daan sa Balikatan.

Noong April 21 umarangkada ang ika-40 bilateral exercise ng Pilipinas at Estados Unidos na tatagal hanggang ika-9 ng Mayo.

Facebook Comments