Friday, June 19, 2026

Pagkakatulad ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas at Russia, ‘happy coincidence’ ayon kay Russian President Vladimir Putin

Tinawag ni Russian President Vladimir Putin na “happy coincidence” ang sabay na pagdiriwang ng Pilipinas at Russia ng kanilang Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12.

Sa bilateral meeting nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kazan, binati ni Putin ang pangulo at ang sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng Indepence Day kamakailan.

Ayon kay Putin, simboliko ang pagkakatulad ng petsa ng pagdiriwang ng national holidays ng dalawang bansa at sumasalamin ito sa matagal nang pagkakaibigan at ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Russia.

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Marcos na naging mas makahulugan ang kanilang pagpupulong dahil kasabay nito ang paggunita ng ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.

Nagpasalamat din ang pangulo sa mainit na pagtanggap ng pamahalaan at mamamayan ng Russia sa delegasyon ng Pilipinas at sa mga lider ng ASEAN na dumalo sa summit.

Nagsimula ang relasyong diplomatiko ng Pilipinas at noon ay Soviet Union noong Hunyo 2, 1976.

Matapos mabuwag ang USSR noong 1991, kinilala ng Pilipinas ang Russia bilang kahalili nito sa mga kasunduang diplomatiko.

Facebook Comments