Pagtaas ng self-rated poverty survey sa bansa nitong Abril, tututukan ng Palasyo

Kinikilala ng Malacañang ang lahat ng mga lehitimong performance survey patungkol sa administrasyong Marcos.

Pahayag ito ng Palasyo kaugnay sa pinakabagong SWS survey na 55% ng pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sisiguruhin ng Palasyo na palalawakin pa ng pamahalaan ang mga programa na nakatuon sa mga mahihirap na Pilipino.

Pero bagama’t kinikilala ng pamahalaan ang lahat ng lehitimong survey, hindi pa rin umano maiaalis na pabago-bago ang poverty incidents dahil sa epekto ng inflation, alinsunod na rin sa paliwanag ng NEDA.

Giit ni Castro, mahalaga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kapakanan ng mga Pilipino kaya palalawigin pa ang mga programa para tugunan ang kahirapan at kagutuman sa bansa.

Kabilang dito ang pagkakaloob ng bente pesos na bigas, walang gutom at 4Ps program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, at ang school-based feeding program ng administrasyon.

Facebook Comments