Friday, June 19, 2026

Reklamo laban kay Defense Sec. Teodoro, idinulog na rin sa OSG ng isang abogado

Naghain ng verified letter complaint at request for quo warranto evaluation ang isang abogado laban kay Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr.

Isinumite ni Atty. Russel Miraflor ang reklamo sa tanggapan ni Solicitor General Darlene Marie Berberabe.

Ayon kay Miraflor, nais nilang maghain ang OSG ng quo warranto proceedings dahil hindi umano nila hinahangad ang puwesto ni Sec. Teodoro at batay aniya sa Rules of Court, wala siyang karapatang maghain nito.

Iginiit ni Atty. Miraflor na hindi siya kumbinsido na pinawalang-bisa na ng kalihim ang kanyang Maltese passport noong 2021.

Tinukoy din ni Miraflor na sa Maltese passport, ang nakalagay aniyang pangalan ay “Gilberto Eduardo Gerardo Cojuangco Teodoro Jr.”, habang sa kanyang Philippine passport ay “Gilberto Teodoro” lamang.

Hinamon din ni Atty. Miraflor si Teodoro na maglabas ng sertipikasyon na magpapatunay na tunay na pinawalang-bisa na nito ang kanyang Maltese passport.

Itinanggi rin ni Atty. Miraflor na isa siyang pro-China advocate.

Ginagawa niya lamang aniya ito dahil walang ibang may lakas ng loob na kuwestiyunin ang Defense Secretary.

Facebook Comments