
Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabigyang prayoridad ang semiconductor industry dahil sa potensiyal na maibibigay nito sa ekonomiya sa pamamagitan ng exportation.
Sa isinagawang Private Sector Advisory Council-Education and Jobs Sector Group meeting, inirekomenda ng Pangulo ang pagbibigay ng incentives para sa mga nasa semiconductor tulad ng mga ibinibigay sa nasa car manufacturing.
Kaugnay nito ay iniutos ng Pangulo na makipagtulungan sa mga stakeholder ng industriya para matukoy ang mga kinakailangang hakbang at insentibo alinsunod sa umiiral na batas.
Ito’y sa harap na rin umano ng kakulangan ng CREATE MORE o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act ng probisyon na nakatuon sa semiconductor industry.
Inirekomenda naman ng PSAC–Education and Jobs Sector Group sa Pangulo na magkaruon ng semiconductor and electronics roadmap at ang pagtatatag ng National Education and Workforce Development Plan.