Malaysian national, arestado dahil sa illegal online selling ng text blast machine

Nagkasa ng entrapment operation ang pinagsanib na pwersang Cyber Financial Crime Unit (CFCU) & Cyber Patrolling and Intelligence Unit (CPIU), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Telecommunication Commission (NTC), Bureau of Immigration (BI) at Southern District Anti-Cybercrime Team (SDACT) na nagresulta sa pagkakaaresto ng 46-year old na Malaysian national na sangkot sa illegal selling ng text blast machine sa Facebook.

Ayon sa Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sinurveillance ng mga awtoridad ang suspek mula October 2024 kung saan nadiskubre na nagbebenta ito ng ipinagbabawal na SMS blaster machine na kayang magpadala ng SMS message kahit walang database, SIM card, o Wi-Fi.

Alok umano ng suspek ang “Octopus 5G” blaster sa halagang P600,000.00.


Dito na nagpanggap ang naturang cyber patroller na bibili ng SMS blaster machine at nang sila ay magkita para sa pick-up ng device, dito na inaresto ang Malaysian national.

Nakumpiska rito ang SMS blaster device with antenna at signal jammer.

Sa ngayon, hawak na ang banyaga ng mga awtoridad at nahaharap sa paglabag sa R.A. No. 10175 Cybercrime Prevention Act of 2012, Philippine Radio Station and Radio Communication Regulation Act, SIM Registration Act at Data Privacy Act of 2012.

Facebook Comments