
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang 19 Pilipinong tripulante ng Liberia-flagged liquefied petroleum gas (LPG) tanker na MT GAS HUSKY matapos tamaan ng drone attack sa exclusive economic zone (EEZ) ng Bulgaria sa Black Sea noong November 17.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, agad na nailikas ang lahat ng tripulante gamit ang life raft at nasagip ng helicopter bago tuluyang lumubog ang barko.
Dalawa sa mga marino ang nagtamo ng minor injuries at kasalukuyan nang pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa Bulgaria.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DMW, sa pamamagitan ng Migrant Workers Office sa Budapest at Embahada ng Pilipinas sa Bucharest, upang maibigay ang tulong-medikal, emergency travel documents, statutory compensation, at repatriation assistance sa mga biktima.
Kasunod nito, isusulong din ng DMW sa International Bargaining Forum (IBF) na muling pag-aralan ang saklaw ng high-risk at war-like zones upang maisama ang southwestern portion ng Black Sea matapos makapagtala ng apat na pag-atake sa mga barko sa rehiyon.










