
Naniniwala ang ilang opsiyal ng PNP Anti-cybercrime group at Department of Education (DepEd) na komunikasyon at pagiging responsable ng mga magulang ang isa sa mga susi upang maiwasan na masangkot ang mga anak sa anumang gulo.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni PNP Anti-Cybercrime Group Director PMGen. Wilson Asueta, dapat nakatutok at nababantayan ng mga magulang ang kilos at pag-uugali ng kanilang anak lalo na ang paggamit sa social media,mga online games at platforms.
Aniya, ang pagkaka-expose sa hindi nararapat na ideolohiya at mga nakikita sa online gayundin ang mga marahas na laro ay maaaring maimpluwensyahan ang mga kabataan kung kaya’t nakakagawa ng kaguluhan sa mga paaralan.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi pa matiyak kung ang mga ito nga ang nagiging dahilan kaya nagaganap ang mga school violence dahil hindi pa natatapos o wala pang resulta ang mga ginagawang imbestigasyon at pag-aaral ng ilsng tanggapan ng pamahalaan.
Sinabi naman ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma, na malaki ang epekto sa mga kabataan kung ano ang nakikita, naririnig at nararamdama nila sa loob ng kanilang tahanan at komunidad.
Dahil dito, nakakakuha ng ideya at motibo ang ilang mga kabataan kaya’t nakakagawa ng krimen at gulo sa mga paaralan kung saan muli niyang iginiit na katuwang ng mga magulang ang DepEd para mapangalagaan ang kapakakan at karapatan ng mga kabataan upang maiwasan na masangkot sila sa kaguluhan.










