PAGKAMATAY NG ILANG BANGUS SA PUGARO, DAGUPAN, INIIMBESTIGAHAN; MALAWAKANG FISH KILL, HINDI PA KUMPIRMADO

Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City na wala pang pinal na datos na nagpapatunay ng malawakang fish kill sa lungsod, sa kabila ng naitalang pagkamatay ng ilang bangus sa mga fishpen sa Barangay Pugaro.

Ayon sa paunang pagsusuri ng City Agriculture Office (CAO), posibleng dulot ng kritikal na pagbaba ng dissolved oxygen sa tubig ang pagkamatay ng ilang isda.

Binigyang-diin ang pagkakaiba ng fish kill at fish mortalities. Hindi umano lahat ng fish mortalities ay dapat na ituring na fish kill, dahil may mga bangus na maagang inani upang maisalba ang mga ito at hindi dapat ituring na mga namatay na isda.

Nagsagawa rin ng inspeksyon sina Mayor Belen Fernandez, CAO, Bantay Ilog at BFAR sa mga kailugan sa Lucao, Pantal, at Pugaro.

Samantala, hanggang 30% umanong pagkawala ng kanilang stocks ang iniulat ng ilang magbabangus ngunit kailangan pang beripikahin ang aktuwal na bilang ng mga namatay at mga naisalba sa pamamagitan ng maagang harvesting.

May humigit-kumulang 14% na kabuuang aquaculture structures sa mga ilog sa lungsod ang Barangay Pugaro ngunit hindi ibig-sabihin ay gayon din ang porsyento ng naapektuhan.

Kasabay nito, inatasan ng alkalde ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga apektadong magbabangus.

Patuloy naman ang pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR at CAO upang matukoy ang aktuwal na lawak at sanhi ng insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments