Naglagay ng mga depth marker ang Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan sa mga malalalim na bahagi ng Angalacan River nitong Oktubre 15, 2026, bilang dagdag na hakbang upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.
Pinangunahan ni Ernie V. Cuison, team leader ng Angalacan River Task Force, ang paglalagay ng mga pananda na magsisilbing gabay sa mga residente at bisita sa pagtukoy sa mga bahaging mapanganib dahil sa lalim ng tubig.
Isinagawa ang hakbang kasunod ng mga naitalang insidente ng pagkalunod sa ilog sa mga nakaraang taon.
Bago ang paglalagay ng mga depth marker, mayroon nang mga karatulang naglalaman ng mga babala sa lugar at regular ding nagbabantay ang task force upang paalalahanan ang publiko na iwasang maligo sa mga mapanganib na bahagi ng ilog.
Sa kabila nito, nagdagdag pa ng mga pananda upang mas madaling matukoy ang mga lugar na may malalim na tubig at mabawasan ang panganib sa mga nagtutungo rito.
Muling nanawagan ang Angalacan River Task Force sa mga residente at bisita na sundin ang mga nakapaskil na babala at tagubilin ng mga awtoridad.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagbabantay sa mga bata upang maiwasan ang anumang aksidente sa ilog. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










