
Mariing kinondena ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima ang pamamaril ng dalawang menor de edad na estudyante sa San Jose National High School, Tacloban City.
Bunsod nito ay iginiit ni De Lima ang agarang paglalatag ng epektibong mekanismo para hindi na maulit ang insidente at upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong bansa.
Mungkahi ni De Lima, dapat magkaroon ng mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang kaukulang ahensya.
Diin ni De Lima, pangunahin sa mga hakbang na dapat ikasa ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa mga paaralan at mga establisyamento, istriktong regulasyon sa pagmamay-ari ng baril, at pagtugis sa mga ilegal na bentahan ng armas.
Dagdag ni De Lima, kailangan din ang maigting na pagbabantay at gabay ng mga magulang sa kanilang mga anak.










