
Tumestigo si dating Department of Public Works and Highways District Engineer Henry Alcantara sa pagdinig ng graft case ni dating senador Bong Revilla sa Sandiganbayan Fourth Division.
Inamin ni Alcantara na nakakolekta siya ng P90 milyong commitment fee para kay Revilla at ipinadala ito, sa pamamagitan ng kanyang driver, sa kanyang dating boss na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Diamond Hotel.
Apat hanggang limang kahon umano ang pinaglagyan ng mga nakolektang kickback money.
Ayon kay Alcantara, inutusan siya ni Bernardo na mangolekta ng advance payments mula sa mga contractor.
Inamin din ni Alcantara na sumunod siya sa naturang utos kahit alam niyang mali ito.
Iginiit naman ng dating Bulacan 1st District Engineer na wala siyang nalalaman hinggil sa mga umano’y “ghost projects.”
Gayunman, inamin niyang hindi na niya personal na iniinspeksyon ang mga proyekto dahil may mga tauhan nang nakatalaga para sa naturang gawain.
Ayon pa kay Alcantara, pirmado na nina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, na kapwa akusado ni Revilla sa kaso, ang Statement of Work Accomplishment at Certificate of Monthly Payment kaya nilagdaan na rin niya ang mga ito.
Sa katunayan, aniya, regular silang nagsasagawa ng follow-up sa mga proyekto kung saan isinusumite ang mga update at larawan ng progreso ng mga ito.










