
Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project sa Bohol bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa posibleng matinding El Niño na maaaring tumagal hanggang 2027.
Ayon sa pangulo, mahalaga ang mga proyektong patubig upang matiyak ang suplay ng tubig sa mga sakahan at mabawasan ang epekto ng matagal na tagtuyot sa produksyon ng pagkain.
Ang proyekto, na may pondong mahigit P830 milyon, ay magbibigay ng patubig sa mahigit 530 ektaryang sakahan at makikinabang ang mahigit 700 magsasaka sa mga bayan ng Mabini at Alicia.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na nagpapatuloy ang iba pang irrigation projects sa Bohol bilang bahagi ng paghahanda sa epekto ng El Niño.
Hinimok din ng pangulo ang mga magsasaka na magtanim ng mga pananim na mas nangangailangan ng kaunting tubig at gamitin ang mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka upang mapanatili ang produksyon sa gitna ng banta ng tagtuyot.










