
Hinikayat ni JV Ejercito ang Kongreso na pag-aralan muna ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa November 2.
Ayon kay Ejercito, bagama’t nasa kapangyarihan ng Kongreso na suspendihin ang halalan, kailangan pa ring tiyakin kung ito ay naaayon sa batas.
Sinabi ng senador na mahalagang suriin kung pasok ang krisis sa langis sa mga itinakdang pamantayan ng Korte Suprema kaugnay ng pagpapaliban ng halalan.
Tinukoy rin ni Ejercito na ilang beses nang naipagpapaliban ang BSKE.
Nanghihinayang ang senador sa posibleng muling pagpapaliban dahil marami aniyang mamamayan ang nais nang makapili ng susunod na mga opisyal ng barangay.
Dagdag pa niya, maaaring mawalan ng pagkakataon ang ilang kabataan na makapaglingkod kung lalampas na sila sa itinakdang age limit.










