
Posibleng wala pang maging pagpapalit sa Senate Presidency ngayong araw sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Matatandaang si Sen. Sherwin Gatchalian ang matunog na pangalan na nais itulak ng minorya bilang kapalit ni Senate President Alan Peter Cayetano sakaling madagdagan sila ng bilang.
Iginiit din ni Minority Leader Tito Sotto III na siya ang nagrekomenda kay Gatchalian bilang susunod na Senate President.
Gayunman, inamin ni Sen. Ping Lacson na wala pa silang positibong impormasyon kung magkakaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado sa gitna ng usapin sa “Solid Bloc” o SB11.
Ayon sa SB11, kailangan nang magkaroon ng bagong liderato matapos ang eskandalong kinaharap ng Senado na umano’y nakaapekto sa integridad at dignidad ng institusyon.
Kung sakali aniya, si Gatchalian ang kanilang napupusuan dahil maituturing itong bagong mukha at bagong simula, bukod pa sa wala umano itong nakakaalitang kapwa senador.
Nauna namang kinumpirma ni Sen. Kiko Pangilinan na suportado ng buong SB11 si Gatchalian bilang Senate President dahil sa ipinakita nitong kakayahan sa pagprotekta sa pondo ng bayan at pagtitiyak na mapupunta ito sa mga higit na nangangailangan ngayong 2026.










