PAGSASANAY UKOL SA MAKABAGONG TEKNOLOHIYA AT CLIMATE ADAPTATION PARA SA MGA MAGSASAKA, ISINAGAWA SA BATAC CITY, ILOCOS NORTE

‎‎Pinalalakas ng mga ahensya ng agrikultura ang paggamit ng makabagong teknolohiya at climate-resilient farming upang matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang ani at makasabay sa mga hamon ng nagbabagong klima.

‎Ito ang layunin ng tatlong araw na pagsasanay na isinagawa mula August 4 hanggang 6, 2026 sa Mariano Marcos State University sa Batac City, Ilocos Norte.

‎Sa pagsasanay, hinasa ang kakayahan ng mga kalahok sa pagbibigay ng makabago, epektibo, at napapanahong teknikal na payo sa mga lokal na magsasaka gamit ang Rice Crop Manager Advisory Service (RCMAS).

‎Tinalakay sa pagsasanay ang RCM Farmer and Farm Lot Registration, tamang pagsusukat ng sakahan at pag-upload ng GPX files sa RCM Advisory Service, habang ibinahagi rin ang mga epekto ng climate change sa sektor ng agrikultura at mga paraan upang mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka sa pag-angkop dito.

‎Tinalakay rin sa programa ang paggamit ng RCM Farmer ID Maker, ang tamang pagsasagawa ng panayam gamit ang Farmer ID Number, gayundin ang Site-Specific Nutrient Management (SSNM) at ang kabuuang sistema ng RCMAS.

‎Sa pamamagitan ng naturang pagsasanay, inaasahang mas mapapahusay ang pagbibigay ng teknikal na serbisyo sa mga magsasaka, na magreresulta sa mas mahusay na pamamahala ng sakahan, tamang paggamit ng pataba, at mas matatag na produksyon ng palay sa harap ng mga epekto ng climate change at iba pang banta sa agrikultura. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments