Monday, August 3, 2026

Iba’t ibang labor groups, nagkasa ng kilos-protesta sa tanggapan ng DOLE; Sec. Tolentino humarap sa mga nagpo-protesta para ipaliwanag ang ginagawang hakbang para matuloy ang dagdag P85 sa sweldo

Nagkasa ng kilos-protesta ang iba’t ibang labor groups sa labas ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Maynila.

Ito’y upang hikayatin si Labor Secretary Francis Tolentino na kumilos at gumawa ng paraan para matuloy ang naantalang P85 na dagdag sahod.

Sa naging pahayag ng grupong Bukluran na Manggagawang Pilipino (BMP) na siyang nanguna sa kilos protesta, kakarampot na nga lang ang dagdag na P85 sa sweldo pero hinayaan pa ito na hindi matuloy dahil lamang sa inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Pasig Court.

Muli nilang iginigiit na tila pinapabura na rin ng DOLE ang mga kapitalista na sobra-sobra na ang kinikita at hindi na tinututukan ang kalagayan ng mga manggagawa.

Kanila pang iginigiit na hindi dapat saklaw ng anumang korte ang inilabas na kautusan ng DOLE hinggil sa usapin ng dagdag sweldo kung saan tila wala daw ginagawang hakbang si Tolentino.

Muli nilang panawagan na unahin sana ni Tolentino ang kapakanan ng manggagawa sa halip na hayaan ang mga mapang-abusong kapitalista.

Sa gitna naman ng kilos-protesta, lumabas at hinarap ni Tolentino ang mga grupo ng manggagawa saka sinabi na ang hukom ng Pasig RTC dapat ang hinihingan nila ng paliwanag dahil sa inilabas na TRO.

Giniit naman ng kalihim sa mga manggagawa na hindi sila pinapabayaan ng DOLE at gagawin nila ang nararapat na paraan upang matuloy ang umento sa sweldo.

Facebook Comments