Saturday, August 8, 2026

DOXYCYCLINE, IPINAMAHAGI SA MGA BARANGAY SA DAGUPAN BILANG PROTEKSYON KONTRA LEPTOSPIROSIS

‎Patuloy ang pamamahagi ng doxycycline ng City Health Office Dagupan sa iba’t ibang barangay bilang bahagi ng kampanya upang maprotektahan ang mga residente laban sa banta ng leptospirosis ngayong panahon ng tag-ulan.
‎‎Ang doxycycline ay isang antibiotic na ginagamit bilang proteksyon laban sa leptospirosis, lalo na para sa mga indibidwal na nalubog o matagal na nababad sa baha at maruming tubig na maaaring may kontaminasyon ng bacteria na nagdudulot ng sakit.

‎Matatandaan sa naging pahayag ni Dra. Maria Julita “Jo” De Venecia ng City Health Office Dagupan sa IFM News Dagupan, kabilang ang leptospirosis sa mga sakit na mahigpit na minomonitor tuwing panahon ng malalakas na pag-ulan dahil maaaring makuha ito sa tubig-baha o naipong tubig-ulan, partikular sa mga lugar na maaaring hindi ligtas ang sanitasyon.

‎Kasabay ng pagbibigay ng gamot, patuloy rin ang pakikipagtulungan ng City Health Office sa mga barangay nurses at barangay health workers upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.

‎Pinapaalalahanan naman ang publiko na mag-ingat sa paglusong sa baha, magsuot ng proteksyon tulad ng bota at guwantes kung kinakailangan, at agad na magpakonsulta kapag nakaranas ng mga sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng katawan, pamumula ng mata, at iba pang senyales na maaaring kaugnay ng leptospirosis. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments