
Cauayan City – Kasalukuyan na ang konstruksyon ng extension ng Brgy. Hall sa Brgy. Catalina, Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Rolando Taguibao, kapitan sa nabanggit na barangay, ang proyektong ito ay karugtong ng dalawang palapag na barangay hall na una ng naitayo.
Matatandaang sa mga unang panayam ng IFM News Team sa mga opisyal sa barangay, isa ito sa proyekto na hinihiling nilang maaprubahan dahil bukod sa opisina ng mga opisyal, nagsisilbi rin itong evacuation center tuwing panahon ng sakuna.
Sinabi ng kapitan na ang tinatayang P800,000 na pondong gagamitin sa pagtatayo ng gusali ay mula sa kanilang Annual Investment Plan at 20% ng Internal Revenue Allotment o IRA ng barangay.
Ayon sa kapitan, malaki ang maitutulong ng proyektong ito sa mga residente dahil may karagdagan na silang matutulayan sa panahon ng baha at kalamidad.