Wednesday, September 30, 2026

Palasyo, nagbabala sa posibleng epekto sa mga LGU officials ng testimonya si Davao City Mayor Baste Duterte sa impeachment trial

Posibleng gayahin ng ibang lokal na opisyal ang naging depensa ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na hindi niya alam ang lahat ng kontratang pinapasok ng kanilang local government unit.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, delikado kung magiging karaniwang sagot ng mga lokal na opisyal ang “wala akong alam,” lalo na kapag may kuwestiyon sa mga transaksyon ng kanilang pamahalaan.

Ito’y matapos sabihin ni Mayor Baste sa impeachment trial na hindi niya alam ang lahat ng kontratang nilalagdaan ng mga kinatawan niya sa Davao City LGU.

Kabilang dito ang mga transaksyon sa GenCorp Industries Inc., na idineklara naman ni Vice President Sara Duterte bilang business interest sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Batay sa PhilGEPS records na iniharap sa Impeachment Court, 15 kontrata ng GenCorp sa Davao City ang nagkakahalaga ng mahigit ₱34 milyon.

Giit ng Malacañang, dapat alam at nababantayan ng mga namumuno sa LGU ang mahahalagang transaksyon ng kanilang pamahalaan, lalo na kung may posibleng conflict of interest.

Gayunman, sinabi ni Castro na hindi pa dapat husgahan si Baste batay lamang sa kaniyang mga pahayag sa pagdinig.

Facebook Comments