Wednesday, September 30, 2026

Rental housing subsidy act, inendorso na sa plenaryo

Inendorso na sa plenaryo para sa pagapruba ng Senado ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng subsidiya ng gobyerno ang pagrenta ng bahay ng mga pamilya na biglang nawalan ng tirahan.

Sa sponsorship speech ni Senator Chiz Escudero para sa panukalang Rental Housing Subsidy Act, sinabi niya na ito ay para sa milyon-milyong pamilyang Pilipino na biglang nawalan ng matagal na ipinundar na tirahan, bunsod ng kalamidad, eviction order at dahil tinamaan ng infrastructure projects.

Ayon kay Escudero, layon ng panukala na tiyaking may ligtas na matutuluyan ang mga pamilya na bumabangon matapos biglang mawalan ng tirahan.

Oras na maisabatas ay bibigyan ng hanggang pangtatlong taon na subsidiya o pandagdag sa renta ang mga displaced families.

Magiging prayoridad ang mga nakatira sa delikadong lugar, sa mga lupain na kailangan sa public infrastructures o sa paggawa ng gobyerno ng tulay at kalsada at sa mga lugar na hindi dapat tirhan.

Ibabatay naman ang subsidiya sa umiiral o kasalukuyang rental rates gayundin sa pangangailangan ng pamilya at kanilang financial capacity pero hindi naman lalagpas ang subsidiya sa halaga ng aktwal na renta.

Facebook Comments