
Sinimulan ng Philippine National Police (PNP) ang pinaigting na intelligence at community monitoring effort laban sa “True Brown Style” o TBS at iba pang grupo na nagre-recruit at naggo-groom ng menor-de-edad para sa kriminal na aktibidad.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., suportado ng PNP ang inisyatiba ng pamahalaan na buwagin ang mga nasabing grupo at tiniyak na makikipagtulungan sa DILG at iba pang ahensiya, dahil ang prayoridad nila ay protektahan ang mga kabataan sa pagsasamantala habang pinapanagot ang mga groomer na ito sa mga batas.
Nauna nang isiniwalat ni Secretary Jonvic Remulla na nagsagawa ang mga awtoridad ng magkakaugnay na hakbang upang buwagin ang TBS, isang grupong sinasabing nagre-recruit ng mga menor-de-edad para sa mga kriminal na aktibidad.
Karamihan sa mga miyembro nito ay nasa edad 18 hanggang 20, at iniulat na naggagroom ng mga batang nasa edad 14 at 15 at hinihikayat silang magnakaw sa mga convenience store bilang bahagi ng kanilang initiation rites.
Nabatid na matagal nang organisasyon sa Amerika ang TBS ngunit nagagamit umano ito ngayon bilang groomer sa mga kabataang Pilipino .
Nilinaw naman ng mga awtoridad na iba pa ang TBS sa mga pinaghahanap na mga groomer sa likod naman ng mga shooting incident sa mga paaralan.










