Tuesday, July 7, 2026

NPD, nag-deploy ng 1,282 tauhan para sa seguridad sa paligid ng Senado

Nag-deploy na rin ng mga tauhan ang Northern Police District (NPD) upang tumulong sa pagpapatupad ng karagdagang seguridad sa paligid ng Senado kaugnay ng isinasagawang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
 
Aabot sa 1,282 na personnel ang idineploy ng NPD upang tumulong sa pagbabantay sa paligid ng Senado, bukod pa sa pag-alalay sa pamamahala ng daloy ng trapiko.
 
Kabilang sa mga ipinag-utos ni NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili sa kanyang mga tauhan ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko kaugnay ng isinasagawang impeachment trial.
 
Ayon pa kay Capili, paiiralin ng kanilang hanay ang maximum tolerance upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng seguridad, kasabay ng paggalang sa karapatang pantao ng mga magsasagawa ng kilos-protesta.
 
Bukod dito, inatasan din ni Capili ang 33 commissioned officers na kabilang sa mga idineploy na makipag-ugnayan sa iba pang tanggapan ng Philippine National Police (PNP), mga ahensiya ng pamahalaan, at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga inilatag na security measure.

Facebook Comments