Monday, August 24, 2026

Palpak na flood control at dami ng ibinuhos na ulan, sanhi ng malawakang pagbaha sa Central Luzon —PBBM

Naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi lamang mga palpak na flood control projects ang nagdulot ng malakawang pagbaha sa ilang bahagi ng Central Luzon.

Ngayong Lunes nang inspeksiyunin ng pangulo ang lawak ng pinsala dahil sa pagbahang dulot ng mga nagdaang bagyo at epekto ng habagat sa Bulacan at Pampanga.

Ayon sa Pangulong Marcos Jr., hindi lamang sa flood control kundi ang maraming ulan na dala ang sanhi ng ilang linggo nang pagbaha na resulta na rin aniya ng climate change.

Kaugnay nito, may nakalatag naman aniyang mga hakbang ang pamahalaan para ayusin ang mga iniwang pinsala.

Pero kailangan munang hintayin na humupa ang baha at hindi rin isinasantabi ang posibleng mga pag-ulan pa sa mga susunod na araw.

Kabilang naman sa nakalatag na plano ang pagtatayo ng mga karagdagang dam na sasalo ng tubig ulan mula sa mga kabundukan ng Sierra Madre.

Batay sa datos, nasa mahigit P930 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa mga apektadong lugar sa Central Luzon kung saan pinakaapektado ang Pampanga.

Mahigit isang milyong pamilya o katumbas ng 3.5 million indibidwal naman ang apektado kung saan libu-libong ang hindi pa rin makauwi sa kanilang mga bahay.

Facebook Comments