Monday, August 24, 2026

Ilan pang hindi pangkaraniwang pangalan sa acknowledgement receipts ng confidential funds, inilabas ng prosekusyon

Lumutang pa ang ilang mga hindi pangkaraniwang pangalan na tumanggap ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) sa Day 17 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa mga iprinisinta pang pangalan ng House prosecution team ay sina Timon Andrew Pusa, Antonio Pagong at Xuniso P. Belat na nakatanggap ng tig P100,000 na confidential funds.

Ang iba pa ay sina Don Piang na may P250,000, May Pamana at Shane Ngitnit na nakatanggap ng P150,000 na confidential funds.

Ang naturang halaga ay para sa pagbili ng impormasyon, transportasyon at suplay para sa confidential operations.

Kinwestyon naman ni Atty. Amando Ligutan si Special Disbursing Officer Gina Acosta tungkol sa confidential funds na hinawakan ni Col. Raymund Dante Lachica, dating hepe ng security team ng bise presidente.

Paulit-ulit na tinanong ni Ligutan si Acosta kung personal niyang nakita si Lachica na iniaabot ang nasabing halaga sa mga indibidwal na nakasaad sa dokumento.

Gayunman, sinabi ni Acosta na wala siyang nakita o hindi niya ito nasaksihan at si Lachica ang nagpapatupad nito.

Sinabi ni Acosta na nag-verify siya kay Lachica at sinabihan siya na ang mga dokumento ang resibo na magpapatunay na nagamit ang pera sa confidential funds at ito ay maituturing na sensitive matter, sensitive operations at confidential.

Facebook Comments