Tuesday, August 18, 2026

PNP, iniimbestigahan ang posibleng recruitment scheme na nanghihikayat ng mga Pilipino na sumali sa mga dayuhang labanan

Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang mga ulat sa posibleng recruitment scheme na nanghihikayat sa mga Pilipino na sumali sa mga dayuhang labanan kapalit ng pangakong mataas na sahod.

Ito ay kasunod ng mga ulat na may isa umanong Pilipino ang nasawi habang nakikipaglaban kasama ang mga puwersa ng Russia sa nagpapatuloy na labanan sa Ukraine kung saan lumagda umano ang nasabing Pilipino sa isang kontrata sa Russian armed forces noong Mayo ngayong taon.

Bukod dito ay mayroon ding mga ulat na hindi umano bababa sa tatlo pang Pilipino ang na-recruit.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipag-ugnayan na sila sa Armed Forces of the Philippines at sa Intelligence Community kaugnay ng nasabing seryosong usapin.

Aniya, ang mithiin ng PNP ay ma-shut down ang network ng nasabing recruitment para maprotektahan ang publiko.

Hinihikayat din ng PNP ang publiko na tiyaking lehitimo ang mga recruitment offer at i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad ukol dito.

Samantala, nauna nang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) na biniberipika na nila ang ulat na ito.

Facebook Comments