Tuesday, April 28, 2026

PANGASINAN PPO, NAGPARANGAL NG MGA NATATANGING PULIS AT KATUWANG SA SERBISYO PUBLIKO

Idinaos ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang kanilang tradisyunal na flag raising ceremony kung saan kinilala ang mga pulis at sibilyang katuwang na nagpakita ng natatanging tagumpay sa kanilang tungkulin.

Sa pamumuno ni Provincial Director PCOL Arbel Mercullo, tampok sa seremonya ang paggawad ng Certificates of Commendation sa mga karapat-dapat na tauhan mula sa iba’t ibang istasyon ng pulisya. Ang iba pang awardees ay dumalo at tumanggap ng kanilang parangal sa pamamagitan ng online meet.

Kabilang sa mga pinarangalan sina PLTCOL Francisco A. Sawadan Jr., hepe ng Malasiqui Police Station, at PSMS Marcial E. Caranto, na matagumpay na nakaaresto sa Top 1 Most Wanted Person sa antas munisipal para sa paglabag sa R.A. 7610. Kinilala rin sina PLTCOL Jessie D. Balinang ng Urdaneta City Police Station at PSSg Arnuel DP Bandong para sa pagkakaaresto ng Top 1 Most Wanted Person sa lungsod na nahaharap sa kasong Qualified Rape.

Ginawaran din sina PLTCOL Jan Ringgo R. Quintinita at PSSg Nathbryan A. Banogon ng Alaminos City Police Station matapos ang matagumpay na buy-bust operation na nagresulta sa pagkakahuli ng isang drug personality at pagkakasamsam ng hinihinalang shabu.

Samantala, kinilala sina PLTCOL Perlito R. Tuayon at PMSg Boyet DC Aquino ng Mangaldan Police Station para sa pagkakaaresto ng Top 1 Most Wanted Person sa antas munisipal na nahaharap sa kasong Statutory Rape at Sexual Assault.

Pinarangalan din si PLTCOL Leonard C. Paredes, Force Commander ng 1st Provincial Mobile Force Company, dahil sa matagumpay na pagpapatupad ng mga programang pangkomunidad at pagpapahusay ng mga pasilidad ng pulisya. Si PLTCOL Rommel P. Bagsic naman ng Bayambang Police Station ay kinilala matapos tanghaling Best Municipal Police Station (Class A).

Ayon sa Pangasinan PPO, ang naturang seremonya ay patunay ng kanilang patuloy na dedikasyon sa kahusayan sa operasyon at mas pinaigting na paghahatid ng serbisyo publiko sa buong lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments