Wednesday, April 22, 2026

MEALS ON WHEELS, MULING UMARANGKADA SA SAN CARLOS CITY

Muling umarangkada ang Meals on Wheels Truck sa Barangay Matagdem nitong ika-21 ng Abril 2026 bilang bahagi ng pinaigting na Community Feeding Program ng lungsod.

Ayon sa lokal na Pamahalaan katuwang ang City Nutrition Council, matagumpay na naihatid ang masusustansyang pagkain sa mga residente ng barangay.

Bukod sa mainit na pagkain, namahagi rin ng iodized salt sa mga benepisyaryo upang makatulong sa wastong paggana ng thyroid gland, na mahalaga sa paglaki, metabolismo, at pagpapanatili ng enerhiya ng katawan.

Nagkaroon din ng nutritional lecture upang mapalawak ang kaalaman ng komunidad hinggil sa tamang nutrisyon at paghahanda ng masustansyang pagkain para sa pamilya.

Layunin ng programa na matiyak na mananatiling malusog at ligtas sa sakit ang bawat San Carlenian. Sa tulong ng pagkakaisa ng lokal na pamahalaan at ng barangay, patuloy na naihahatid ang serbisyong pangkalusugan sa bawat tahanan ng mga mamamayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments