Isa sa mga institusyong nakatanggap ng online threats ang Pangasinan State University (PSU), na may siyam na campus sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Dahil dito, nagbigay katiyakan si PSU President Dr. Elbert L. Galas ukol sa kanilang mga aksyon kung sakali mang matatanggap ng banta online ang alin man sa unibersidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani.
Ayon kay Dr. Galas, mayroon nang itinalagang third-party personnel ang unibersidad upang tumulong sa pagpapalakas ng kanilang security measures, kabilang ang pagtugon sa mga posibleng banta, kaligtasan sa panahon ng kalamidad, at pagpapatupad ng mga umiiral na safety protocols sa kanilang mga campus.
Dagdag pa niya, mayroon nang mga nakahandang protocol ang bawat campus upang maagapan ang anumang insidente at mapanatili ang seguridad sa loob ng paaralan.
Samantala, ibinahagi rin ni Dr. Galas na nagkaroon na rin ng mga insidente ng rally sa loob ng kanilang mga paaralan. Aniya, iginagalang ng unibersidad ang karapatan ng mga estudyante na magpahayag, ngunit nakikipag-ugnayan sila sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan.
Kabilang sa mga katuwang ng PSU ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine National Police (PNP), at Philippine Army. Sa ilalim ng kanilang kasunduan, kinakailangang i-coordinate ang mga aktibidad sa loob ng unibersidad, kabilang ang pagkuha ng mga guest speaker at pagsasagawa ng mga event para sa mga estudyante.
Binigyang-diin ng pamunuan ng PSU na patuloy nilang prayoridad ang pagkakaroon ng ligtas, maayos, at organisadong kapaligiran sa lahat ng kanilang campus upang mapangalagaan ang kapakanan ng kanilang komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







