PAARALAN SA STA. BARBARA, NANAWAGANG ITIGIL ANG PAGPAPAKALAT NG HINDI BERIPIKADONG IMPORMASYON HINGGIL SA VIRAL NA AWAY NG MGA ESTUDYANTE

Nanawagan ang pamunuan ng Daniel Maramba National High School (DMNHS) sa Sta. Barbara, Pangasinan na itigil ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon kaugnay ng viral na away ng ilang estudyante na kumalat sa social media.

Sa inilabas na pahayag ng paaralan, maaari umanong makasama sa mga estudyanteng sangkot ang patuloy na pagre-repost, at pagkokomento sa mga hindi pa beripikadong content.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang insidente, habang nakapagsagawa na rin ang mga panig ng nararapat na interbensyon para mapayapang maresolba ang isyu.

Giit ng paaralan, magpapataw ito ng kaukulang administratibo at pandisiplinang aksyon kung kinakailangan, batay sa magiging resulta ng masusing imbestigasyon.

Hinikayat din ng pamunuan ang mga magulang, estudyante at guro na maging responsable sa paggamit ng social media at hayaan ang tamang proseso sa pagresolba ng insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments