DAGUPAN CITY AT DOST, LUMAGDA SA MOA PARA SA UNANG 21ST CENTURY CLASSROOM SA PANGASINAN

Isang makabuluhang hakbang para sa modernisasyon ng edukasyon ang isinagawa matapos lumagda ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan at Department of Science and Technology (DOST) sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagtatatag ng kauna-unahang 21st Century Classroom sa Pangasinan.

Layunin ng inisyatiba na makapagbigay sa mga Dagupeño learner ng mas makabago, teknolohikal, at makabuluhang learning environment na tutugon sa pangangailangan ng edukasyon sa kasalukuyang panahon.

Sa halip na tradisyunal lamang na silid-aralan, itinatampok ng programa ang espasyong magbibigay-daan sa mga mag-aaral na matuto, makalikha, makipagtulungan, at malinang ang kanilang critical thinking, creativity, at innovation skills.

Nagpasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan sa patuloy na suporta ng DOST sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon. Sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan, naisulong na ang iba’t ibang programang pang-edukasyon tulad ng robotics, computer literacy, DOST education initiatives, at ang 21st Century Learning Environment Program na naglalayong palawakin ang access ng mga mag-aaral sa teknolohiya at hands-on learning experiences.

Sa pamamagitan ng partnership na ito, patuloy na pinagtitibay ng Dagupan City at DOST ang kanilang layunin na ihanda ang mga kabataan sa mga hamon ng hinaharap sa pamamagitan ng edukasyong nakabatay sa agham, teknolohiya, at inobasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments