
Pabilisin ang pag-usad ng mga kaso ng korapsyon sa bansa.
Ito ang layunin ng bagong kasunduang nilagdaan ng Office of the Ombudsman kasama ang Justice Sector Coordinating Council (JSCC).
Sa ilalim ng kasunduan, makikipagtulungan ang Ombudsman sa Supreme Court, Department of Justice at Department of the Interior and Local Government upang matugunan ang mga pagkaantala sa paghawak ng mga kaso ng korapsyon.
Kabilang dito ang pagpapahusay sa palitan ng impormasyon, paggamit ng digital systems at magkatuwang na pagtugon sa mga kasong may kinalaman sa financial crimes, pagbawi ng mga nakaw na ari-arian at korapsyong gumagamit ng teknolohiya.
Binigyang-diin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi dapat mauwi lamang sa paglagda ng dokumento ang kasunduan, kundi dapat itong magresulta sa mga konkretong programa at mas mabilis na paghahatid ng hustisya.
Tiniyak din ni Remulla na mananatiling independiyente ang Office of the Ombudsman sa kabila ng pakikipagtulungan nito sa iba pang institusyon.










