
Humiling umano si Senador Jinggoy Estrada ng ₱1 bilyong halaga ng mga proyekto para maisama sa 2025 national budget sa pamamagitan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.
Ito ang ibinunyag ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Sandiganbayan Fifth Division ngayong Martes, Oktubre 27, kaugnay ng petisyon para sa piyansa ni Estrada sa kinakaharap nitong ₱573 milyong plunder case.
Ayon kay Bonoan, unang inirekomendang isama sa panukalang budget ang ₱500 milyong halaga ng mga proyekto bago humiling si Bernardo ng karagdagang ₱500 milyon dahil Senate President Pro Tempore na noon si Estrada.
Pero sa isang bilyong pisong kahilingan, ₱700 milyong lamang ang naaprubahan sa 2025 national budget.
Sa pagtatanong naman ng abogado ni Estrada, inamin ni Bonoan na hindi personal na humiling sa kanya ang senador at wala ring lagda nito ang listahan ng mga proyekto.
Batay lamang aniya sa impormasyong ibinigay sa kaniya ni Bernardo ang naturang kahilingan.
Bukod dito, sinabi rin ni Bonoan na may hiwalay pang ₱7.4 bilyong halaga ng mga proyektong iminungkahi ni Estrada at ₱475 milyong pisong proyekto kasama ang isang miyembro ng Kamara na kapwa naaprubahan sa 2025 national budget.










