Saturday, October 24, 2026

Pagsasampa ni Rep. Paolo Duterte ng cyber libel complaints laban sa media, malinaw na pagpigil sa paglabas ng katotohanan

PHOTO: DXDC 621 RMN Davao

Binatikos nina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list at Perci Cendaña ng Akbayan Party-list ang paghahain ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ng cyber libel complaints laban sa ilang mamamahayag.

Kaugnay ito sa report patungkol sa umano’y pagde-deliver ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr., ng maletang may lamang pera kay Vice President Sara Duterte.

Para kay Tinio, ang hakbang ni Congressman Pulong ay maituturing na pag-atake sa press freedom at isang desperadong hakbang para protektahan ang pamilya Duterte sa pananagutan.

Sabi ni Tinio, ito ay paraan para takutin o sindakin ang media sa pag-uulat patungkol sa flood control scandal at iba pang uri ng katiwalian.

Giit naman ni Cendaña, ang mga aksyon ni Rep. Duterte ay hindi makakapigil sa paghingi ng taumbayan ng pananagutan hingil sa umano’y mga pagkakamali na kanilang nagawa.

Facebook Comments