
Naalarma si Senator Raffy Tulfo sa pagdami ng mga gumagamit ng pekeng identification cards o ID ng mga persons with disabilities (PWDs) para makinabang sa 20 percent discount.
Dahil aniya dito, aabot sa P88 bllion ang buwis na nawawala sa gobyerno at P166 billion na kita ng mga business establishments ang nalulugi na karamihan ay mga restaurants.
Sa budget hearing ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tinukoy ni Tulfo ang report ng Department of Justice (DOJ) na 6 million sa 8 million na mga PWD IDs ang fake.
2 million lang sa mga ito ang lehitimo at rehistrado sa National Council on Disability Affairs (NCDA).
Sinabi pa ni Tulfo na may mga kilala siyang may PWD ID na lehitimo naman pero hindi karapat-dapat ang nabigyan dahil malaki ang katawan pero nabalian lang at ang isa sinusitis ang idineklarang kapansanan.
Nakarating din sa senador ang mga hinaing ng mga samahan ng mga restaurants na karaniwang nabibiktima ng modus na fake PWD IDs.
Paliwanag naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang mga LGUs ang nag-iisyu ng PWD IDs dahil sa devolution at walang naging papel dito ang ahensya.
Gayunman, isa sa solusyon na planong gawin ng DSWD ay sa susunod na dalawang linggo, lalagda ang ahensya kasama ang Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF) sa implementing rules and regulations para sa PWD discounts law at batay dito, makakasama na ang DSWD sa issuing entity ng PWD IDS.










