
Iginiit ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila De Lima ang pangangailangan na agarang maisabatas ang panukala na ideklara ang July 12 bilang National West Philippine Sea Victory Day.
Binanggit ni De Lima na sa ilalim ng panukala ay isasama sa edukasyon ng mga kabataan ang usapin ukol sa West Philippine Sea (WPS).
Mensahe ito ni De Lima matapos ang ika-10 anibersaryo kahapon ng makasaysayang tagumpay ng Pilipinas sa Arbitral ruling patungkol sa West Philippine Sea.
Ayon kay De Lima, isang dekada na ang nakalipas pero nananatili ang mga hamon dahil ang nakamit nating tagumpay noong 2016 ay pilit pa ring binabalewala, binubura at tinatabunan ng kasinungalingan ng umaangkin sa kung ano ang atin.
Binanggit ni De Lima na makakatulong ang panukalang batas para maibatid ang katotohanan sa mamamayang Pilipino hinggil sa Arbitral ruling at upang malabanan ang patuloy na ikinakalat na fake news at disinformation tungkol sa West Philippine Sea.










