
Kumpyansa ang House prosecution panel na hindi makakapigil sa impeachment trial laban kay Vice President Duterte ang pagdulog muli sa Supreme Court ng grupo nina Atty. Israelito Torreon na humihiling na ipahinto ang paglilitis dahil kinukwestyon nila ang paghalal kay Senator Francis Chiz Escudero bilang Senate Impeachment Court Presiding Officer.
Tahasang sinabi ni House Deputy Speaker Rep. Paolo Ortega na hindi na nakakagulat ang hakbang nina Atty. Toreon dahil ang paghahain ng petisyon ay mistulang “Bread and Butter” at “Specialty” na nila.
Sabi naman ni House Trial Spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong, malaya ang sinuman na dumulog sa Supreme Court pero sa tingin niya ang pagpili ng presiding officer ay panloob na patakaran ng Senado at ang impeachment trial ay eksklusibong kapangyarihan na ibinigay dito ng Konstitusyon.
Para naman kay House Prosecutor Rep. Terry Ridon, pagsasayang lang ng papel ang ginagawa nina Torreon na paghahain ng mga mosyon at petisyon lalo’t nasa Senado naman na ang laban para sa pananagutan at hindi na ito mapipigilan pa.










