
Generally peaceful ang mga isinagawang kilos-protesta kahapon kasabay ng unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Police Major General Anthony Aberin, sa kabila ng tensiyon at tulakan kahapon sa pagitan ng mga militanteng grupo at mga pulis, nanatiling mapayapa ang sitwasyon.
Paliwanag niya, agad na natugunan ang umiinit na sitwasyon at pinayagan ang mga nagpoprotesta na magsagawa ng programa sa southbound lane ng Diokno Boulevard kahit wala silang kaukulang permit.
Samantala, nananatiling naka-full alert status ang Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang kaligtasan ng publiko habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
Ito ay kahit wala pa silang namo-monitor na anumang seryosong banta sa seguridad.
Muli ring tiniyak ng Pambansang Pulisya ang kanilang pangako na ipatupad ang batas nang patas at may paggalang sa karapatang pantao, habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng publiko.
Si VP Sara ay nahaharap sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta sa First Family. Gayunman, mariin niyang itinanggi ang lahat ng paratang laban sa kanya.










