
Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi uurong ang Pilipinas sa pagtatanggol sa karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS).
Sa paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award, sinabi ng pangulo na nananatiling matibay na batayan ang desisyon sa pagprotekta sa karapatan ng bansa at sa pagpapanatili ng kapayapaan sa karagatan.
Ayon kay Pangulong Marcos, pinili ng Pilipinas ang batas, dayalogo, at mapayapang paraan sa halip na komprontasyon nang magsampa ito ng kaso noong 2013.
Ang Arbitral Award aniya ay hindi lamang tagumpay ng Pilipinas sa usaping legal, kundi tagumpay rin ng mga mangingisdang Pilipino at ng mga pamilyang umaasa sa yamang-dagat para sa kanilang kabuhayan.
Dagdag pa ng pangulo, hindi maaaring isantabi ang pagsunod sa international law at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Nanawagan din si Marcos sa ibang mga bansa na patuloy na igalang ang pandaigdigang batas at palakasin ang kooperasyon upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea.










