Friday, May 29, 2026

Isinusulong na virtual voting sa Senado, ipinagtanggol ni Congressman Marcoleta

Ipinagtanggol at binigyang-katwiran ni SAGIP Party-list Rep. Paolo Marcoleta ang isinusulong na “virtual voting” sa Senado na iminungkahi ng kanyang ama na si Senator Rodante Marcoleta at sinuportahan ng Majority Bloc.

Sa ipinost na video sa social media ay iginiit ni Congressman Marcoleta na sa House of Representatives ay matagal ng ipinapatupad ang online participation at voting ng mga kongresista kaya hindi dapat kwestyunin kung gagawin din ito sa Senado.

Inihalimbawa ni Rep. Marcoleta na kapag may panukalang batas na ipapasa ang Kamara ay pinapayagang bomoto ang mga kongresista sa pamamagitan ng electronic platforms kapag wala sila sa Batasan Complex.

Ayon kay Marcoleta, kahit wala sa plenaryo ng Kamara ay maaring maitala ang boto ng isang kongresista sa pamamagitan ng text messages, group chats, o pagtawag sa Secretary General.

Dagdag pa ni Rep. Marcoleta, maaring ding lumahok sa mga pagdinig ng mga komite sa Kamara ang mga kongresista basta’t kunin ang virtual link para sumali sa diskusyon.

Facebook Comments